
CAUAYAN CITY – Dagsaan sa ilang bus terminal ang mga pasaherong pauwi sa kani-kanilang mga trabaho at tahanan matapos ang paggunita ng Semana Santa.
Sa panayam ng iFM News Team kay Jay Mark Sopranes, security guard sa terminal, sinabi nitong nagsimulang magsiuwian ang mga pasahero noong ika-19 ng Abril kung saan punuan at halos walang tigil ang dating ng mga tao sa terminal.
Ayon kay Sopranes, mas marami ang bilang ng mga pasahero ngayong taon kumpara noong nakaraang taon kung saan karamihan sa mga bumibiyahe ay mga manggagawa at estudyanteng pauwi mula sa probinsya ng Isabela.
Dahil sa dami ng pasahero, mabilis ding naubos ang mga bus tickets kung saan ang mga hindi nakapagpareserba ay napilitang maging chance passenger upang makauwi.
Sa kabila ng dagsa ng mga biyahero, wala namang naitalang anumang insidente o paglabag sa mga panuntunan sa terminal.
Samantala, naging katuwang ng pamunuan ng terminal ang mga tauhan ng PNP Cauayan sa pagbibigay ng seguridad at kaayusan sa lugar upang masiguro ang ligtas at maayos na paglalakbay ng lahat.