Dinagsa ng mga turista ang mga kilalang pasyalan sa bayan ng San Nicolas noong Semana Santa, tampok ang likas na ganda at preskong kapaligiran ng Agpay Eco Park, Puyao Picnic Grounds, Malico, at Sabangan River.
Isa sa mga pangunahing dinayo ay ang Agpay Eco Park, na kinagigiliwan ng mga nature lover dahil sa luntiang paligid at malinaw na tubig mula sa bundok. Bukod sa natural nitong kagandahan, mayroon din itong mga human-made swimming pool, picnic areas, at cottages para sa pamilya’t barkada.
Hindi rin nagpahuli ang Puyao Picnic Grounds dahil sa malamig at malinis na ilog na napapalibutan ng mga punong-kahoy at berdeng tanawin. Mayroon ding mga cottages at sheds na maaaring rentahan para makapag-picnic.
Bukod dito, patok din sa mga turista ang Malico, isang barangay na matatagpuan sa mataas na bahagi ng bayan. Dahil sa malamig na simoy ng hangin at panoramic view ng kabundukan, ito’y naging paboritong spot ng mga riders na mahilig sa nature photography at outdoor activities.
Hindi rin nagpahuli ang Sabangan River, na kilala sa malinis at malamig nitong tubig. Madalas itong dayuhin ng mga lokal at banyagang bisita para sa swimming at piknik. Ang natural nitong landscaping ay nagbibigay ng kakaibang karanasan sa mga nagnanais lumayo sa ingay ng lungsod.
Sa kabila nito, tiniyak ng lokal na pamahalaan na may nakahandang medical team at security personnel para sa mga bisita.
Sa taglay na likas na kagandahan at katahimikan ng San Nicolas, hindi maikakaila na ito’y naging paboritong destinasyon ng mga nagnanais mag-retreat at magnilay ngayong Mahal na Araw.| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨