
CAUAYAN CITY – Puspusan na ang mga proyekto sa bayan ng Cabatuan, Isabela na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng komunidad at mapalakas ang mga serbisyo sa mga residente.
Kabilang sa mga kasalukuyang proyekto ay ang pagtatayo ng dalawang palapag na CL Building sa Nueva Era Stand-Alone Senior High School na may kabuuang badyet na P6,605,850. Bukod dito, isinasagawa rin ang konstruksyon ng dalawang silid-aralan sa La Paz Elementary School na may pondo na P1,526,894.62 mula sa Tobacco Excise Tax.
Mayroong ding mga solar-powered streetlights na itinayo sa bawat barangay sa Cabatuan, na may kabuuang pondo na P9,498,662.10, upang magbigay liwanag at kaligtasan sa mga residente.
Gayundin, upang mapabuti ang kalagayan ng kalsada, nagsagawa ng pagtatabon ng graba sa malubak at maputik na bahagi ng Brgy. La Paz.
Ang mga proyektong ito ay patunay ng dedikasyon ng lokal na pamahalaan sa pagpapabuti ng imprastruktura at kalagayan ng komunidad sa Cabatuan.