
Inirekomenda ni Senator Risa Hontiveros ang pagsasampa ng kaso sa mga public officials na sangkot sa iligal na aktibidad ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at ang pagbibigay ng proteksyon kay dating Mayor Alice Guo.
Ang suhestyon ni Hontiveros ay nakapaloob sa Committee Report 514 kung saan nakadetalye ang findings ng ginawang mahabang imbestigasyon ng Senado sa human trafficking at mga krimen ng POGO scam hubs.
Malaki ang paniniwala ng senadora na hindi mamamayagpag ang mga POGO kung wala silang protektor mula sa gobyerno.
Hiniling din Hontiveros ang mas masusi pang imbestigasyon sa mga ties o ugnayan ng POGO scam hubs sa mga government officials.
Inirerekomenda rin sa report ang pagpapataw ng mataas na multa laban sa mga public officials na dawit sa pamemeke ng mga dokumento sa civil registry at mga identification documents.