Mga Pulis na mabibigong maresolba ang mga kasong may kaugnayan sa eleksyon, posibleng masibak — PNP

Binalaan ng Philippine National Police (PNP) ang mga police commander na mabibigong maresolba ang mga kasong may kinalaman sa nakalipas na 2025 midterm elections na maaari silang masibak sa pwesto.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Randulf Tuaño, alinsunod ito sa utos ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil na magpatupad ng mas mahigpit na monitoring sa performance ng mga opisyal.

Simula ngayon, magkakaroon ng lingguhang case conference ang lahat ng regional at provincial directors, pati na rin ang mga commander upang iulat ang kalagayan ng mga kasong may kinalaman sa eleksyon at iba pang insidente ng karahasan.

Dagdag ni Tuaño, kung walang malinaw na progreso ang isang kaso, maaaring maapektuhan ang performance rating ng commander at humantong sa kanyang pagkakasibak upang agad mapalitan ng mas epektibong lider.

Matatandaang inanunsyo ni Gen. Marbil ang “Back to Basics” program ng PNP, na layong palakasin ang disiplina, propesyonalismo, at mabilisang aksyon ng kapulisan.

Facebook Comments