
Nakakatiyak si Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na mababasura lang dahil walang basehan ang mga reklamong inihain sa Ombudsman laban sa ilang lider ng Kamara kaugnay sa 2025 national budget.
Diin ni Acidre, nasagot na ng Senado at nasagot na rin ni House Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo ang isyu sa mga blangko Bicam report ng 2025 national budget.
Giit ni Acidre, ang enrolled bill na isinumite ng Kongreso at pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay kumpleto at naaayon sa batas.
Kaduda-duda para kay Acidre na matagal na nilang ginagawan ng isyu ang 2025 national budget pero ngayon lang naghain ng reklamo matapos ma-transmit sa Senado ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.