
Nananawagan ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga kumandidato at mga opisyal ng barangay na manguna sa pagbaklas at paglinis ng mga ginamit na campaign materials.
Nabatid na agad na sinimulan ng Manila LGU ang pagbabakalas ng mga tarpaulin, posters at banderitas matapos maglabas ng kautusan ang Commission on Elections (COMELEC).
Pinangunahan ang pagbabaklas ng mga tauhan ng Department of Engineering and Public Works katuwang ang Parks Development Office (PDO) at Department of Public Service.
Lahat ng mga nahakot na campaign materials na maaari pa mapakinabangan ay ire-recylce habang idi-dispose nang maayos ng kinontratang kolektor ng basura ang mga nasira na.
Ilang lugar sa Maynila gaya ng Sampaloc, Sta. Cruz at Quiapo area ang nabaklas na ang mga tarpaulin sa pangunguna ng mga tauhan ng barangay.
Target ng lokal na pamahalan ng Maynila na tapusin ang pagbabaklas ngayong linggo na ito kaya’t umaasa sila na tutulong rin ang mga residente sa pagtanggal ng mga campaign materials.