Mga rider ng Move It, sumugod sa LTFRB; pagkawala ng kanilang trabaho dahil sa pagbabawas ng operational fleet ng TNC, inaalmahan

Nasa humigit kumulang 100 mga motor taxi rider ang sumugod sa tanggapan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board o LTFRB.

Ang mga ito ay kabilang sa umano’y nanganganib na mawalan ng trabaho bilang motorcycle taxi riders ng Move It Transport Network Company (TNC).

Inaalmahan ng grupo ang inilabas na kautusan ang LTFRB na pagbabawas sa operational fleet ng kanilang kompanya.

Ayon kay Romeo Maglunsod, lider ng Move It Community Alliance, nasa halos pitong libong riders ang mawawalan ng hanapbuhay kapag ito ay ipinatupad na ng regulatory agency.

Sa ilalim ng inilabas na direktiba, binawasan ang rider cap ng Move It sa National Capital Region mula mahigit 14,000 unit pababa sa 6,836.

Una nang sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na status quo o hindi ipatutupad ang desisyon ng LTFRB habang pinag-aaralan ang inihaing motion for reconsideration ng Move It.

Pero giit ni Maglunsod, ilagay ito sa papel para matiyak aniya na sila ay mayroon pang hanapbuhay para sa kanilang pamilya.

Bago umalis ang mga rider ay sabay-sabay muna silang nagpatunog ng busina bilang pagpapakita ng protesta sa anila ay hindi makatwirang desisyon ng LTFRB.

Facebook Comments