
Mariing pinabulaanan ng Malacañang ang mga ulat na hinarang ng awtoridad si First Lady Liza Araneta-Marcos habang nasa Los Angeles, California sa Amerika.
Pahayag ito ng Palasyo kasunod ng mga alegasyon sa social media na may kaugnayan umano si FL Liza sa pagkamatay ng isang business tycoon kaya hindi ito nakauwi sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang katotohanan ang anumang impormasyon na hinarang ang First Lady sa kahit saang lugar.
Dumating aniya sa Pilipinas ang First Lady, alas-singko nang umaga noong Lunes, March 10, at agad bumiyahe pauwi ng bahay matapos ang walong minuto.
Batay rin sa social media post ng First Lady, nagpunta siyang Los Angeles noong March 5 para dumalo sa isang lunch kasama ang mga Filipino-American na nahalal at itinalaga sa US government.
Humarap naman ito sa isang curated press conference sa West Hollywoood noong March 6 kasama sina Tourism Sec. Cristina Frasco at DTI Sec. Ma. Cristina Roque.
Sa parehong araw, dumalo ang Unang Ginang sa thanksgiving dinner at nanood ng isang documentary sa sinehan, na bahagi ng aktibidad ng Manila International Film Festival (MIFF).
Kinabukasan, March 7, dumalo si Marcos sa Gala Dinner ng MIFF, at nang sumunod na araw, March 8, dumalo siya sa MMFF 50: Konsyerto Para sa Filipino, na isang benefit concert para sa Filipino community sa Los Angeles.
Sa huling social media post ng Unang Ginang kahapon, March 11, pinangunahan naman niya ang pag-turnover ng mga donasyon sa Girl Scouts of the Philippines.