
Nakumpiska ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mahigit P43M halaga ng electronic products sa isinagawang raid sa Sterling Industrial Park, Barangay Libtong, Meycauayan City, Bulacan.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Acting Director Police Brigadier General Nicolas Torre III, isinagawa ang operasyon matapos makakuha ng search warrant mula sa Regional Trial Court ng Capas, Tarlac dahil sa paglabag sa Consumer Act of the Philippines.
Nakuha rito ang mahigit 3,000 smart TV units na iba’t ibang brands, kasama ang mga TV parts, monitors, at iba pang electronics na nagkakahalaga ng mahigit P43M.
Kinilala ang isa sa apat na naarestong suspek na si Chi Ho, may-ari ng Hot Screen Electric Corporation.
Sa ngayon, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Consumer Act of the Philippines dahil sa paggawa at pagbebenta ng mga produktong hindi sumusunod sa kalidad at pamantayan ng batas.