
Bukas ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa posibilidad ng muling pagde-deploy ng Estados Unidos ng ikalawang battery ng Typhon Mid-Range Capability (MRC) missile system sa bansa.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, nagbibigay ito ng mas maraming oportunidad para sa joint trainings at pagpapalakas ng interoperability sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano.
Sinabi ni Padilla na ginagamit ang ganitong mga pagsasanay sa mga military exercises tulad ng Balikatan at Salaknib kung saan mahalaga ito para matuto ang ating mga sundalo at maka-operate sa mga advanced na sistema na makatutulong sa ating defense preparedness.
Binigyang-diin ni Padilla na ang Typhon missile system ay hindi lamang itinuturing na armas, kundi simbolo rin ng deterrence at hindi agresyon.
Ang Typhon ay isang mid-range missile system na mula sa Estados Unidos na kayang maglunsad ng iba’t ibang uri ng missiles at may kakayahang tumama sa mga air o sea targets sa layong higit 200 kilometro.
Una nang na-deploy sa bansa ang isang battery ng Typhon MRC noong Abril 2024 para sa Salaknib Exercise ng Philippine Army at Balikatan Exercises ng AFP.
Bukod sa Typhon, nag-deploy rin ang US ng Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS), isang anti-ship missile system, noong Abril para rin sa Balikatan Exercises.
Mula noon hindi pa rin binabawi ang naturang missile systems dahilan para umani ito ng matinding pagtutol mula sa China.