NAHULI NA | Wanted na kapatid ng napatay na mayor ng Ozamis City na si Mayor Reynaldo Parojinog, naaresto sa Taiwan

Taiwan – Naaresto na si Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog matapos ang halos sampung buwang pagtatago.

Si Ardot ay kapatid ni Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog na napatay noong July 30 2017.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Superintendent John Bulalacao ang pagkakaaresto kay Ardot at kinumpirma mismo ni PNP Drug Enforcement Group Director Police Chief Superintendent Albert Ferro.


Naikasa ang pag-aresto kay Parojinog matapos na magbigay ng tip ang Philippine National Police (PNP) sa Taiwan Police.

Nang mahuli si Ardot sa Pingtung County Taiwan, agad itong ipinaalam ng Taiwan Police sa PNP.

Magpapadala naman ng team ang PNP sa Taiwan para maibalik sa Pilipinas si Ricardo.

Matatandaang August 2017, nagpalabas ng lookout bulletin ang Department of Justice (DOJ) laban kay Ricardo matapos ang ginawang pagsalakay sa bahay ng mga Parojinog kung saan narekober ang mga armas at bala.

May patong rin ng limang milyong pisong reward money para sa makahuhuli kay Ardot Parojinog.

Facebook Comments