NALASON | 4, patay matapos malason sa lambanog

Quezon City – Patay ang apat na tricycle driver habang inoobserbahan sa ospital ang 8 iba pa matapos malason sa ininom nilang lambanog sa Barangay San Pascual, Novaliches, Quezon City.

Kinilala ang mga namatay na sina Dennis Cuadra, Crispulo Mateo, Alvin Reyes at Delfin Bayangos habang kritikal naman ang kondisyon ng kapatid ni Cuadra na si Alfredo.

Ayon kay QCPD Station 4 Commander Superintendent Rossel Cejas, November 30 nang simulan ng magkakaibigan ang inuman at itinuloy ng sumunod na araw para ubusin ang alak.


Nang makaranas sila ng pananakit ng tiyan, sinugod ang mga biktima sa ospital kung saan sila binawian ng buhay.

Batay sa autopsy report, cardiopulmonary arrest ang ikinamatay ng mga nasabing driver.

Sabi ni Cejas, ipasusuri nila ang mga sample ng alak at pulutan sa Bureau of Food and Drugs para malaman kung sa pulutan, sa alak o may foul play sa pagkasawi ng mga ito.

Payo ng mga awtoridad, seguraduhing malinis ang mga binibiling inuman lalo na ng mga alak na wala namang production permit.

Facebook Comments