NANAWAGAN | Dagdag sahod sa mga guro at gov’t employees, muling inihirit ng oposisyon

52

Manila, Philippines – Muling nanawagan sina ACT Teachers Representative Antonio Tinio at France Castro na ibigay na ngayon ang salary increase sa mga public school teachers at sa mga rank-and-file government employees.

Ito ay kasunod na rin ng pananatili ng mataas na inflation rate sa bansa na nasa 6.7% nitong buwan ng Oktubre.

Ayon kina Tinio at Castro, hindi na dapat hintayin pa ang 2020 at ngayon na mismo ibigay sa mga guro at mga empleyado ng pamahalaan ang dagdag sa sahod.

Hinahanap din ng mga kongresista ang pangako noon ni Pangulong Duterte dalawang taon na ang nakakalipas na umento sa sahod partikular sa mga guro.

Giit ng mga mambabatas, patuloy na nahihirapan ang mga Pilipino kung papaano pagkakasyahin ang natatanggap na maliit na sahod para pambili ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, renta sa bahay, kuryente, tubig at pamasahe.

Anila, patuloy pa rin na umaasa ang publiko na gagawa pa rin ng hakbang ang pamahalaan para solusyunan ang mga kinakaharap na problema sa bansa.

Facebook Comments