
Suportado ng National Anti-Poverty Commission Formal Labor Council ang isinusulong na ₱200/day wage hike sa House of Representatives.
Ayon kay NAPC-FLSC alternate sectoral representative Danilo Laserna, ito ay isang malaking kaluwagan para sa mga manggagawa na nahaharap sa nakapakong sahod habang ang tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ani Laserna, ang legislated wage increase ay isang maliit na hakbang upang maibalik ang halaga ng kanilang sahod na nalusaw dahil sa epekto ng inflation.
Tatlumpu’t anim na taon mula nang maisabatas ang Wage Rationalization Act (Republic Act No. 6727), ang rate ng sahod sa mga lalawigan ay patuloy na napag-iiwanan ng mga nasa National Capital Region (NCR).
Ang agwat sa wage rates ay nagtutulak sa mga manggagawa upang lumipat sa mga sentrong lunsod tulad ng Metro Manila upang maghanap ng mas mahusay na oportunidad.