
Iimbestigahan din ng Philippine National Police (PNP) si Senate Sergeant-at-Arms Ret. Gen. Mao Aplasca kaugnay sa naganap na pamamaril sa Senado.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. na pinangungunahan ng Pasay City Police at PNP-CIDG ang malawakang imbestigasyon sa insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon, si Aplasca umano ang unang nagpaputok ng baril bilang warning shot.
Dahil dito, gumanti ng warning shots ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Matapos nito, sunod-sunod na umanong putok ang nagmula sa panig ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSSAA).
Ayon kay Nartatez, hindi bababa sa 30 basyo ng bala ang narekober sa lugar, bukod pa sa ilang bala na una nang napulot ng ibang tao sa Senado.
Sinusuri na rin ng mga awtoridad kung kaninong mga armas nanggaling ang mga balang naiputok.
Sa inisyal imbestigasyon, lumalabas na ilan sa mga basyo ay mula umano sa mga baril ng OSSAA.
Tinatayang 20 katao pa ang kinukuhanan ng salaysay habang nire-review ang mga CCTV footage at iba pang ebidensya mula sa loob ng Senado.










