
Nanawagan si Senator Kiko Pangilinan sa pamahalaan na magkaroon ng isang komprehensibong national flood control management plan at full accounting ng pondo sa mga flood control projects.
Ginawa ng senador ang apela bunsod ng naranasang pagbaha sa maraming lugar ngayon sa Metro Manila sa gitna ng patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng habagat.
Tinukoy ni Pangilinan na umaasa ang mga kababayan sa emergency response tuwing may kalamidad sa halip na maging proactive ang gobyerno na mapigilan ang pagbaha sa pamamagitan ng flood management plans.
Idiniin ng senador na kailangan ng pangmatagalan at pambansang flood management plan kung saan dapat ay magkakaugnay ang mga proyekto at plano.
Sinabi ng mambabatas na kahit gumastos ng bilyon-bilyon ang pamahalaan kung wala namang pagkakaugnay-ugnay ang flood control management plan ay lulubog at lulubog pa rin sa baha ang mga kalsada at mga bahay.
Umapela rin si Pangilinan ng kompletong accounting ng flood-control funds partikular na sa proyektong pinodohan, lokasyon, halaga, contractors, implementation status at aktwal na resulta ng proyekto.
Punto ng senador, karapatan ng bawat Pilipino na malaman kung saan napunta ang bawat pisong inilaan para sa flood control at hindi pwedeng proyektong papel lang at kapag umulan ay binabaha pa rin ang mga tao.










