
Papalitan na ng bagong gusali ang natupok na building ng San Francisco High School sa Quezon City.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos inspeksyunin ang pinsalang idinulot ng sunog sa paaralan.
Ayon kay Pangulong Marcos, inatasan niya ang Department of Public Works and Highways na agad na planuhin ang reconstruction o rebuilding ng bagong gusali.
Hindi na kasi aniya uubra ang pagkumpuni lamang sa nasunog na gusali dahil talagang hindi na ito maaasahan sa usapin ng structural integrity.
Mula sa dating 2-storey building, ay gagawin itong apat na palapag para na rin matugunan ang kakulangan ng classroom.
Tiniyak din ng Pangulo na papalitan nila ang mga nasunog na teaching materials tulad ng TV sets, computer sets, at projectors para magampanan ng mga guro ang kanilang trabaho gayundin ang reading materials ng mga bata.