
Mananagot sa batas ang sinumang magbibigay ng maling impormasyon o pekeng lead hinggil sa umano’y pinagtataguan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ito ang babala ng National Bureau of Investigation (NBI) sa gitna ng patuloy na pagtugis sa senador na itinuturing na ngayon ng ahensiya na pugante.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, posibleng mauna pang mahuli ang mga manloloko kaysa sa mismong senador kung magpapatuloy ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
May naaresto na rin aniya silang isang indibidwal na umano’y sangkot sa pang-iiscam sa NBI matapos magbigay ng pekeng impormasyon kapalit ng umano’y leads sa kinaroroonan ni Dela Rosa. Tumawag pa umano ang suspek kay Executive Secretary Ralph Recto upang magbigay ng impormasyon na kalaunan ay humantong sa kaniyang pagkakaaresto sa Quezon City.
Samantala, inaasahang maglalabas ng subpoena ang NBI laban sa mga indibidwal na posibleng may alam sa kinalalagyan ni Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, kabilang ang kaniyang asawa na si Nancy Dela Rosa.
Pinag-iingat din ni Matibag ang mga NBI agent na patuloy na tumutugis sa senador, na itinuturing na ngayong armed and dangerous dahil umano sa mahigit 100 armas na hawak nito.










