
Cauayan City – Nagbigay paalala sa publiko ang tanggapan ng National Bureau of Investigation Region 2 hinggil sa pagsiguro na ang kanilang kinukuhang NBI Clearance ay lehitimo.
Ayon kay Atty. Victor John Paul Ronquillo, Director III, Regional Director ng NBI Region 2, sinabi nito na makakakuha lang ng lehitimong NBI Clearance sa mga NBI Clearance Centers.
Aniya, mayroon na silang nadakip na dalawang indibidwal matapos na maaktuhang nag i-issue ng pekeng NBI Clearance at PRC ID kapalit ng P3,000 sa lungsod ng Tuguegarao, Cagayan.
Sinabi ni Atty. Ronquillo na ang mga nadakip ay pawang civilian na talagang namemeke ng mga dokumento at hindi kawani ng NBI.
Samantala, paalala ng direktor na mayroong online platform ang NBI ngunit ginagamit lamang ito sa aplikasyon at schedule ng pagkuha ng NBI Clearance at kinakailangan pa rin ng personal appearance ng kukuha kaya naman huwag magtitiwala sa mga nag-aalok online na nakikipag meet-up upang ibigay ang kanilang clearance.