
Tiniyak ng National Economic and Development Authority o NEDA ang pagpapatuloy ng pamahalaan sa mga proactive na hakbang para matiyak ang sapat na supply ng pagkain habang pinatatatag din ang agricultural productivity
Kasunod ito ng report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pagbagal ng inflation sa 2.1 percent nitong Pebrero kumpara sa 2.9 percent nitong Enero.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, sisikapin ng pamahalaan na mapanatiling mababa ang inflation para maprotektahan ang purchasing power ng mga Pilipino.
Ito ay sa harap din ng inaasahan na anim hanggang 13 bagyo na mabubuo mula ngayong buwan hanggang Agosto.
Bunga nito, ipatutupad na rin ng Department of Agriculture (DA) ang La Niña action plan para protektahan ang produksyon ng pagkain.
Kabilang sa action plan ay ang water management, financial assistance at credit support gayundin ang pagpapakalat ng tamang impormasyon kaugnay ng La Niña.