NO COLLECTION POLICY, MAHIGPIT NA IPAPATUPAD NG DEPED REGION 2

Cauayan City – Mahigpit na ipapatupad ng Department of Education (DepEd) Region 02 ang No Collection Policy sa lahat ng pampublikong paaralan sa rehiyon kasabay ng opisyal na pagbubukas ng klase para sa bagong school year.

Layunin ng patakarang ito na tiyakin na walang mag-aaral ang mapagkakaitan ng edukasyon dahil sa anumang uri ng bayarin o kontribusyon.

Ayon kay Dr. Octavio Cabasag, Chief ng Curriculum and Learning Management Division ng DepEd Region 02, mahigpit na ipinagbabawal ang paniningil ng anumang halaga mula sa mga magulang o estudyante.

Binigyang-diin niya na may sapat na pondo ang mga paaralan na nagmumula sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan sa operasyon ng mga paaralan.

Ipinaliwanag din ni Dr. Cabasag na tanging mga boluntaryong kontribusyon mula sa mga organisasyong gaya ng Parents-Teachers Association (PTA) lamang ang maaaring tanggapin ngunit dapat malinaw na ito ay boluntaryo at kinakailangang idaan sa tamang proseso sa antas ng PTA upang mapag-usapan kung ano lamang ang tunay na kailangan ng paaralan.

Dagdag pa niya, hindi dapat gamitin ang kakulangan sa kontribusyon bilang hadlang sa karapatan ng isang mag-aaral na makapasok at makapag-aral.

Anumang uri ng sapilitang paniningil ay hindi katanggap-tanggap at mahigpit na ipinagbabawal ng ahensiya bilang bahagi ng adbokasiya nitong gawing inklusibo at abot-kaya ang edukasyon para sa lahat.

Facebook Comments