Notoryus na miyembro ng Abu Sayyaf Group patay sa operasyon ng PNP-AKG sa Zamboanga City

239

Nasawi sa pakikipagbarilan sa mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (AKG) ang isang notorious na Abu Sayyaf member na sub-leader ng Abdussalam Criminal Group kahapon ng madaling araw sa Zamboanga City.

Sa report ni PNP-AKG Director Police Brigadier General Jonnel Estomo kay PNP Chief Police General Debold Sinas, kinilala ang suspek na si Samad Awang Ahmad Jamal.

Siya ay No. 25 Most Wanted Person ng Police Regional Office (PRO) 9.


Isisilbi lang sana ng team ng AKG ang warrant of arrest kay Jamal para sa kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention sa Sitio Sohaya, Brgy. Mampang, Zamboanga City kaninang 12:30 ng hatinggabi.

Pero pumalag ito at pinaputukan ng kalibre .45 ang mga operatiba na nagresulta sa palitan ng putok na ikinasawi ng suspek.

Ang grupo ng suspek ay responsable sa serye ng kidnap for ransom incidents sa bisinidad ng Zamboanga City kabilang ang Joel Endino kidnapping case noong Enero 29, 2011 sa Ipil, Sibugay, Zamboanga City, Gean Carlos Bossi kidnapping noong 2007 at Kathy Casipong kidnapping noong 2013.



Facebook Comments