
Nagpaliwanag ang Office of the Ombudsman para sa hinihinging ₱51.468 million na confidential funds sa ilalim ng 2027 National Budget.
Sa pagdinig ng ₱7.232 billion na pondo ng Ombudsman sa susunod na taon, tinukoy na sa ilalim ng pamunuan ni dating Ombudsman Samuel Martires noong 2024-2025 ay nasa ₱1 million lang ang confidential funds na pina-realign pa sa ibang items.
Depensa ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, mas agresibo sila ngayon sa pagsasagawa ng imbestigasyon at mangangailangan sila ng pagbili ng mga impormasyon.
Sinuportahan naman ng mga senador ang naturang halaga ng confidential funds ng Office of the Ombudsman.
Para kina Senate President Win Gatchalian at Senate President pro-tempore Tito Sotto III, kung tutuusin ay maliit lang ito kumpara sa ibang ahensiya na nabigyan ng limang beses na mas mataas na confidential funds na ₱125 million at sa bigat ng mga corruption cases na hinahawakan at nireresolba ng ahensya.
Para naman kay Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito, justified naman ang hiling na confidential funds ng Ombudsman sabay tiniyak nito na ililimita lang ang confidential at intelligence funds sa mga law enforcement agencies, investigative agencies at mga isyung kaugnay sa national security.
Samantala, nakalusot na sa komite ang ₱7.232 billion na proposed 2027 budget ng Ombudsman.










