Ombudsman, inamin na isa si Senator Bato Dela Rosa sa iniimbestigahan sa GCTA

280

Inamin ng Ombudsman sa pagdinig ng budget sa Kamara na isa sa mga iniimbestigahan ngayon sa ilalim ng isyu ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ay si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.

 

Naitanong ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate sa pagsalang sa budget deliberation ng Office of the Ombudsman kung kasama ba sa pagsisiyasat nito sa GCTA si Dela Rosa.


 

Sa tulong ni Ombudsman Samuel Martires at iba pang opisyal nito, sinagot ni Zamboanga Del Norte Rep. Romeo Jalosjos, Jr., ang nagsponsor ng budget ng ombudsman, na isa si Dela Rosa sa mga pakay ng motu propio investigation ng anti-graft body gayundin ang napatalsik na Bureau of Corrections Chief Nicanor Faeldon.

 

Si Dela Rosa ay nagsilbing BuCor Chief simula nuong Abril hanggang Oktubre ng taong 2018.

 

Kasama rin sa tatlumpung opisyal na sinisiyasat ngayon ang iba pang mga kasalukuyan at nakalipas na opisyal ng BuCor simula nuong Agosto 2014.

 

Maliban sa aspetong administratibo, iniimbestigahan din ang mga dawit na opisyal sa posibleng pananagutang kriminal nang aprubahan ang paglaya ng halos 2,000 convicts ng heinous crimes na hindi pinapayagan sa ilalim ng GCTA law.

Facebook Comments

From Advertisers