
Muling palalakasin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang operasyon ng pamahalaan laban sa iligal na droga, partikular sa mga maliliit na komunidad.
Kasunod ito ng hinaing ng publiko na talamak na naman ang street level operation ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, nakatutok sila sa malalaking sindikato at drug bust operations nitong mga nagdaang taon, pero sinasabing lumakas naman ang bentahan sa maliliit na lansangan.
Dahil dito, ibabalik ng pangulo ang pagtugis sa maliliit na supplier at pusher ng iligal na droga lalo na sa mga kalsada at eskinita.
Gayunpaman, tiniyak ni Pangulong Marcos na hindi ito mauuwi sa lumang sistema na agarang pinapatay ang mga hinihinalang tulak droga, at sa halip ay mahigpit na ipatutupad ang due process.
Aminado naman ang pangulo na talagang mahirap sugpuin ang mga sindikato ng iligal na droga sa bansa, dahil kahit ang mga pulis, lokal na pamahalaan, at mga prosecutor ay nabibili na rin ng mga sindikato.
Sa kabila nito, patuloy nilang lalabanan at bubuwagin ang mga sindikato ng iligal na droga sa bansa habang isinasagawa ang maliliit na operasyon.