Kasado na ang pagsisimula ng operasyon ng Municipal Slaughterhouse sa Lingayen matapos makapasa sa regulasyon na nakasaad sa Meat Inspection Code of the Philippines at mabigyan ng kaukulang License to Operate mula sa National Meat Inspection Service.
Dahil dito, tiniyak ng lokal na pamahalaan ang dekalidad at ligtas na mga produktong karne dahil direkta nang kakatayin sa pasilidad ang mga livestock na ibebenta sa mga pamilihan at pinahihintulutan din na ma-ibenta sa ibang bayan o lugar.
Hinimok din ng tanggapan ang maagap na pagpapanatili sa kaayusan ng pasilidad upang maiangat ang industriya ng livestock sa bayan at posibilidad na makapasa sa international standards.
Epektibo ang License to Operate ng pasilidad hanggang December 5, ngayong taon para sa unang accreditation, at maaaring tumagal ang validity sa isa hanggang tatlong taon kapag patuloy na nakapasa sa inspeksyon at surveillance na itinakda ng NMIS.
Samantala, base sa naging panayam ng IFM News Dagupan sa mga meat vendors sa Lingayen, nanatili umanong mataas ang presyuhan ng mga produktong karne tulad ng manok na nasa P240; Baboy na naglalaro sa P380-P400; at Baka na nagkakahalaga ng P440 ang kada kilo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣