Operasyon ni dating Cong. Teves sa PGH, naging matagumpay ayon sa kampo nito

Inihayag ng kampo ni dating Negros Orient Representative Arnolfo Teves, Jr. na naging matagumpay ang operasyon nito.

Sa mensahe ni Atty. Ferdinand Topacio na abogado ni Teves, kasalukuyang nagpapagaling ang kaniyang kliyente at nasa maayos ng kondisyon.

Kaugnay nito, nagpasalamat ang kampo ni Teves sa pamunuan ng PGH parrikular kina UP Manila Chancellor Dr. Michael Tee at Dr. Marc Paul Lopez sa agarang pag-aksyon sa umano’y seryosong kondisyon ng dating kongresisita.

Giit ni Topacio, dapat magsilbing wake-up call sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang nangyari kay Teves lalo na’t naging mabagal umano ang pagtugon nila sa mga medikal na emergency ng mga bilanggo.

Binatikos din niya ang lumang patakaran na hindi pumapayag sa mga detenidong makapili ng sariling ospital at doktor, kahit sila’y inaakalang inosente habang wala pang pinal na hatol.

Tinuligsa rin ng abogado ang umano’y mga maagang pahayag na nagsasabing “drama” lamang ang sitwasyon ni Teves mung saan napatunayan ng operasyon na lehitimo ang iniindang sakit ng dating mambabatas.

Facebook Comments