Opisyal ng NPA na sangkot sa pagpatay sa 4 na pulis, patay sa operasyon ng pulisya at militar sa Negros Occidental

Nasawi ang isang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) makaraang umanong manlaban sa Joint Law Enforcement operations ng mga pulis at militar sa Barangay Dancalan, Ilog, Negros Occidental kahapon.

Kinilala ang NPA leader na si Mitchel Fat na nagtatago sa mga alyas na “TM”, “EPI”, at “LAKAS”.

Sa ulat ng militar, si Fat ay high value individual sa Central Negros Front at umano’y responsable sa brutal na pagpaslang sa apat na pulis sa Ayungon, Negros Occidental.


Ayon kay Major Cenon Pancito ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army, isisilbi lang sana ng warrant of arrest ang mga awtoridad nang paputakan sila ng suspek gamit ang kalibre .45 na baril nito.

Gumanti ng putok ang mga awtoridad kaya naman napuruhan at dinala sa ospital ngunit agad ding binawian ng buhay.

Bukod sa baril, narekober sa nasawing rebelde ang mga mahahalagang dokumento.

Matatandaan na buwan ng Hunyo ng nakalipas na taon nang tambangan ng mga hinihinalang miyembro ng NPA sina PCpl. Relebert Beronio, Pat. Raffy Callao, Pat. Roel Cabellon at Pat. Marquino de Leon.

Facebook Comments