‘Oplan Horus Hoax,’ pinapa-imbestigahan sa NBI ng Lakas-CMD

Hiniling ng Lakas-CMD sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pinagmulan at nagpakalat ng umano’y pekeng dokumento na naglalaman ng “Oplan Horus” kung saan pineke rin umano ang pirma ni House Majority Leader Jose Dalipe.

Sa liham ni Lakas-CMD Executive Director Anna Capella Velasco kay NBI Director Attorney Jaime Santiago ay nakasaad na handa ang partido na isumite ang hawak nitong ebidensya para makatulong sa imbestigasyon.

Kinabibilangan ito ng mga nailathalang dokumento sa isang pahayagan, screenshots ng social media posts, digital copies at mga sinumpaang salaysay.

Ang Oplan Horus ay attack plan umano ng administrasyon para patalsikin si Vice President Sara Duterte at masuspindi ang mga senatorial candidates na malapit dito.

Umaasa ang Lakas-CMD na matutukoy ng NBI ang nasa likod ng imbento o pekeng Oplan Horus upang masampahan ang mga ito ng mga kasong identity fraud, cyberlibel, paglabag sa cybercrime prevention act at iba pang kaukulang batas.

Iminungkahi rin ng Lakas CMD sa NBI na makipagtulungan sa Meta para ma-trace kung papaano naipakalat ang mga pekeng dokumento.

Facebook Comments