‘Oplan Paskong Sigurado,’ inilunsad laban sa scams ngayong holiday season

Paiigitingin pa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang seguridad ng publiko sa online transactions ngayong holiday season sa paglulunsad ng “Oplan Paskong Sigurado,” isang kampanya laban sa online scam at digital fraud.

Tugon ito sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng bawat Pilipino sa paggamit ng e-commerce at e-payment platforms ngayong kapaskuhan.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DICT Secretary Henry Aguda nakikipag-ugnayan na ang DICT sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), mga banko, at law enforcement agencies upang masigurong protektado ang publiko laban sa cybercriminals na nag-aabang ngayong panahon ng pamimili at pagpapadala ng pera.

Kasabay nito, binasag ng DICT ang mga kumakalat na ulat sa social media na may naganap umanong data breach sa GCash.

Ayon kay Aguda, walang katotohanan ang nasabing balita at ligtas ang lahat ng accounts, matapos ang agarang koordinasyon ng DICT sa National Privacy Commission (NPC), Cyber Investigation and Coordination Center (CICC), at mismong GCash.

Facebook Comments