
Nagtakda na ang Korte Suprema ng oral arguments kaugnay sa petisyong inihain na kumukuwestiyon sa pagiging constitutional ng Republic Act No. 12116 o 2025 General Appropriations Act (GAA).
Ito ay ang inihain nina dating Executive Secretary Vic Rodriguez laban sa House of Representatives, Senado at kay Executive Secretary Lucas Bersamin.
Batay sa petisyong inihain, sinabing unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang GAA dahil sa pagkabigong maglaan ng mandatory funding para sa PhilHealth.
Bukod pa ito sa pagtataas ng appropriations na higit pa sa rekomendasyon ng Pangulo at paglalaan ng pinakamataas na budget sa imprastraktura sa halip na edukasyon.
Kasama rin sa petisyon ang Bicameral Committee Report ng General Appropriations Bill na naglalaman ng mga blangkong items.
Ayon sa SC, gaganapin sa April 1 ang oral arguments kaugnay sa kaso na gaganapin sa En Banc Session Hall, SC Compound sa Baguio City.
Habang magdaraos muna ng preliminary conference sa February 28 sa En Banc Session Hall sa SC Main Building sa Maynila.