OSG, naglabas na ng komento sa petisyon sa SC na ideklarang unconstitutional ang 2025 national budget

Naglabas na ng komento ang Office of the Solicitor General (OSG) kaugnay sa petisyong humihiling na ideklarang unconstitutional ang 2025 national budget.

Batay sa argumento ng respondents o ng Kongreso at ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa pamamagitan ng OSG, wala umanong nilabag sa batas ang laman ng budget at hindi nasunod ang hierarchy ng korte sa pagsasampa ng petisyon.

Ang naturang petisyon ay inihain noon nina dating Executive Secretary Vic Rodriguez, Davao City Representative Isidro Ungab at iba pa dahil sa umano’y mga iregularidad at blangkong items sa Bicameral Conference Committee Report.

Dahil sa umano’y iregularidad, pinatawag ng Korte Suprema si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na dating vice chairperson at ngayon ay chairperson ng Committee on Appropriations na bumusisi sa 2025 national budget.

Sinabi kasi ng petitioners, malaki ang epekto ng zero budget sa Philippine Health Insurance Corp., o PhilHealth sa mga reporma sa ilalim ng Universal Healthcare Act.

Nagkaroon din anila ng grave abuse of discretion nang pirmahan ang committee report kahit mayroong blangkong items.

Una nang tinawag ng mga kritiko na “biggest money heist” ang pagkakapasa sa pambansang pondo na aabot sa P6.35 Trillion.

Facebook Comments