OVERCHARGING AT KOLORUM NA MGA TRAYSIKEL SA ALAMINOS CITY, BINABANTAYAN

Nagpaalala ang City Transportation Regulation Unit (CTRU) ng Alaminos City sa mga komyuter hinggil sa mga dapat gawin laban sa mga kolorum na tricycle at mga drayber na naniningil nang lampas sa itinakdang pasahe.

Ayon sa CTRU, dapat tandaan at kuhanan ng larawan ng mga pasahero ang body number o plaka ng tricycle at ang TODA ID ng drayber kung makararanas ng overcharging o iba pang paglabag.

Kinakailangan ding personal na magsampa ng reklamo sa Public Order and Safety Office (POSO) at dumalo sa itinakdang pagpupulong kaugnay ng kanilang isinampang reklamo.

Bilang bahagi ng pagbabantay laban sa mga kolorum na tricycle, hinikayat din ng CTRU ang mga komyuter na suriin ang pagkakakilanlan ng sasakyan bago sumakay.

Bukod sa body number, mahalaga umanong malaman ang pangalan ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) na nakalagay sa body number, at sticker number sa harapang bahagi ng sidecar.

Ayon sa CTRU, target nitong mahigpit na bantayan ang kapakanan ng mga komyuter at ang mga pampasaherong tricycle sa Alaminos City. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments