
Aabot sa halos 2.8 milyon ang mga estudyanteng inaasahang makikinabang sa government subsidy para sa tertiary education sa susunod na taon, mula sa 2.6 milyon ngayong taon.
Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, mas lalawak ang saklaw ng programa sa ilalim ng Expanded Access to Quality Tertiary Education Act.
Kabilang sa mga maaaring makinabang ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), solo parents, persons with disabilities at iba pang disadvantaged sectors.
Samantala, nais ni Agrupis na itaas sa ₱15,000 ang subsidy bawat benepisyaryo, mula sa kasalukuyang ₱7,500.
Aniya, hindi lamang matrikula ang kailangang tustusan ng mga estudyante kundi pati pamasahe, tirahan at araw-araw na gastusin.
Sinabi ni Agrupis na makatutulong ang mas mataas na subsidy para masustentuhan ang iba pang pangunahing pangangailangan ng mga estudyante habang nag-aaral.










