P200,000 halaga ng shabu nasabat sa Makati City

Makati City – Tinatayang dalawang daang libong pisong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat habang 12 katao ang naaresto sa ikinasang drug buy-bust operation sa Mascardo Street, Barangay Bangkal, Makati City.

Ayon kay Police Chief Inspector Gideon Ines Jr., hepe ng Makati Police Drug Station Drug Enforcement Unit (SDEU), kabilang sa mga nahuli sina Francis Pestanas, Lexter Raguro, Binoy Martin, Gina Paredes at Carter Rapsing.

Nasakote rin sa operasyon sina Michael Malano, Ariel Doralta, Ariel Doralta, Lorein Pabanil, Allan Paderes, Romie Palon, Eduardo Faguro at Elaiza Estacio.


Ayon kay Ines, isang operatiba ang nagpanggap na buyer at nakabili ng halagang P500 mula sa isa sa mga suspek pero nasa lugar din ang iba pang drug suspects kaya dinampot din sila ng mga awtoridad.

Dalawampu’t tatlong malalaking pakete ng hinihinalang shabu at tinatayang nagkakahalaga ng P200,000 ang nakuha mula sa mga suspek, kabilang ang isang pakete ng umano ay cocaine, ilang drug paraphernalia, isang weighing scale, apat na cellphone at ang buy-bust money.

Kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act ang isasampa laban sa mga suspek.

Facebook Comments