P32.8 bilyong kita, naitala ng Philhealth sa taong 2021

Mahigit sa P32.84 bilyon ang kitang naitala ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong taong 2021.

Ayon sa PhilHealth, ang naturang kita ay mas mataas ng P2.8 bilyon o 9% kumpara noong 2020.

Dahil ito sa mas pinalakas na koleksyon at paglunsad ng payment facility sa member portal, nakakolekta ang PhilHealth ng P171.17 bilyong halaga ng health insurance contributions o mas mataas ng 15%, dahil na rin sa pagtaas ng koleksyon mula sa self-paying/earning members.


Bukod dito, tumanggap din ang PhilHealth ng subsidiyang nagkakahalaga ng P71.24 bilyon mula sa national government para sa indirect contributors.

Dahil sa pinaigting na koleksyon ay nalampasan nila ang collection target nito ng 10%.

Samantala, umabot naman ng P140.16 bilyon ang benefit claims expense ng PhilHealth noong 2021 at nakapagtala ng dagdag claims na may halagang P20 bilyon, na 16% na mas mataas sa P120.9 bilyong naitala noong 2020.

Nabatid na noong nakaraang taon, bukod sa pagbabayad ng COVID-19 benefits, malaking halaga rin ang ibinayad ng PhilHealth sa claims para sa inpatient at outpatient care, primary care benefits, at z benefits.

Dagdag pa ng PhilHealth na sa kabuuan, ang naging koleksyon noong 2021 ay mas mataas pa rin ng p31.01 bilyon kumpara sa benefit payments nito para sa parehong panahon.

Lumalabas anila na nagbabayad ng 0.82 sentimo ang PhilHealth para sa benepisyo ng mga miyembro sa kada pisong nakokolekta nito.

Nagkaroon din anila ng pagtaas sa investment income ng PhilHealth matapos itong kumita ng P9.5 bilyon, lampas ng 40% sa target nito para sa nakaraang taon.

Ang total assets naman nito ay umarangkada ng 27% o P347.48 bilyon, mas malaki sa P274.46 billion noong 2020.

Malaking bagay rito ang pagtaas ng pamumuhunan kung saan ang national government subsidies at maturities ay ipinuhunan matapos isaalang-alang ang kinakailangang panggastos.

Facebook Comments