P6 billion na koleksyon sa Spectrum User Fees (SUFs), ipinapagamit sa pagpapalakas ng internet speed sa bansa

48

Inirekomenda ni Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera sa gobyerno na gamitin para sa pagpapalakas ng internet speed sa bansa ang pondong nakokolekta sa Spectrum User Fees (SUFs).

Ang SUFs ay taon-taong kinokolekta mula sa mga mobile network operators, bukod pa ito sa iba pang fees na ipinapataw ng National Telecommunications Commission (NTC).

Aabot naman sa P6 billion ang nakolekta ng pamahalaan sa SUFs nitong December 31, 2019.

Payo ni Herrera, gamitin na ang P6 billion na SUFs para pondohan ang pagtatayo ng mga pasilidad na magpapabilis sa internet speed at connectivity.

Giit ng kongresista, sapat na ito para ayusin ang sitwasyon ng internet sa Pilipinas upang wala ng batang umiiyak sa tuwing mawawalan ng internet habang nagkaklase at walang empleyadong magpapanic sa tuwing nawawala ang internet connection.

Nauna rito ay nangako si Information and Communications Technology Secretary Gregorio Honasan II na makikipag-ugnayan sa Kongreso upang magamit ang nakokolekta sa SUFs para sa pagsasaayos ng internet sa bansa.

Facebook Comments