PAF, hindi kukunsintihin ang anumang ‘misconduct’ sa kanilang hanay

Iginiit ng Philippine Air Force (PAF) na hindi nila kinukunsinti ang anumang uri ng maling asal o misconduct sa kanilang hanay.

Ito’y kasunod ng lumabas na ulat na may mataas na opisyal ng militar na inaakusahan ng sexual assault ng dalawa nitong junior officers.

Bagama’t walang pinangalanang opisyal sa naturang ulat, kinumpirma ng PAF na may kahalintulad na kaso na kasalukuyang iniimbestigahan sa General Headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) alinsunod sa umiiral na mga patakaran at proseso.

Tumanggi naman ang PAF na magbigay ng karagdagang pahayag kaugnay ng usapin upang mapangalagaan ang integridad ng imbestigasyon at ang privacy ng mga sangkot.

Sa kanilang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng PAF ang patuloy nilang pangako sa pagpapanatili ng pinakamataas na antas ng disiplina, propesyonalismo, at paggalang sa kanilang mga tauhan.

Facebook Comments