
Hindi pwedeng pwersahin ang sinumang senator-judge na mag-inhibit o hindi lumahok sa impeachment trial.
Ito ang iginiit ni Senate President Chiz Escudero sa gitna ng panawagan ng ilang grupo na mag-inhibit sina Senator judges Imee Marcos at Robinhood Padilla na lantad ang pagiging malapit kay Vice President Sara Duterte habang ang bise presidente naman ay hiniling ang pag-inhibit din ni Senator Risa Hontiveros at Senate Minority Leader Koko Pimentel.
Ayon kay Escudero, hindi pwedeng pilitin ang mga senador na huwag nang lumahok sa paglilitis dahil dapat ay kusa o boluntaryo itong gagawin ng senator-judge na inirereklamo ng pagiging bias.
Sinabi pa ng mambabatas na hindi rin ito pwedeng pagbotohan ng impeachment court.
Ang dapat lang din aniyang humiling ng pag-recuse o inhibit ng isang senator-judge ay mula sa panel ng defense o prosecution at nasa senator-judge na ito kung gagawin niya o hindi.