
Sa ika-14 na pagdinig ngayon ng House Quad Committee ay inamin nina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña ang Tara system sa Bureau of Customs.
Ayon kay Faeldon, sinubukan niyang puksain ang Tara system noon kaya pinagsumite na ang nasa 12,000 importers at brokers ng listahan ng mga opisyal ng Customs na tumatanggap ng lagay o tara pero walang nagpasa.
Binanggit naman ni Lapeña na pinlano nila noon ang mungkahi ni Congresswoman France Castro na magsagawa ng mala-buy bust na operasyon para mahuli ang sangkot sa Tara pero umatras ang mga importers dahil sa pangamba.
Sa hearing ng Quad Committee ay inamin din nina Faeldon at Lapeña na ang Tara system na daan para makalusot ang mga smuggled na produkto ay isa din sa mga rason kaya tumataas ang presyo ng ilang bilihin tulad ng bigas.
Sa imbestigasyon ng Quad Committee ay inilahad ni dating Customs fixer Mark Taguba na ang Tara system ay pagbibigay ng mga brokers at importers sa mga taga-BOC ng pera bilang lagay o padulas para mapadali ang pagproseso ng kanilang mga kontrabando.