Naranasan sa iba’t ibang lugar sa Pangasinan ang malakas hanggang matinding pag-ulan sa unang araw ng Hunyo 2026 bunsod ng umiiral na southwest monsoon o habagat.
Ayon sa PAGASA, ang habagat ay patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng Luzon, dahilan upang makaranas ng tuloy-tuloy na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat ang ilang lugar sa lalawigan. Ilang bayan at lungsod ang nakaranas ng pag-ulan na nagdulot ng pagbaha sa mabababang lugar at pagbagal ng daloy ng trapiko.
Sa inilabas na Weather Advisory (24-Hour Rainfall Forecast) ng PAGASA, inaasahan ang 50 hanggang 100 milimetro ng ulan o malakas na pag-ulan sa Pangasinan mula Miyerkules, Hunyo 3, hanggang tanghali ng Huwebes, Hunyo 4, 2026, dulot pa rin ng habagat.
Sa tindi ng buhos ng ulan, ilang pamilihang bayan sa Pangasinan gaya ng Malasiqui at Calasiao ang hindi kinaya ang lakas ng ulan kung saan bumigay ang ilang trapal na pansamantalang panangga laban sa tubig-ulan. Sa Malasiqui, iniulat din ang muling pagtagas ng tubig sa bahagi ng palengke na dati nang inayos, dahilan ng pagkabahala ng ilang vendors at mamimili.
Samantala, patuloy ang panawagan sa mga lokal na opisyal na agad na tugunan ang mga sira at palakasin ang imprastraktura sa mga pampublikong pamilihan upang maiwasan ang kaparehong insidente sa susunod na malalakas na pag-ulan.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at subaybayan ang mga susunod na abiso ng PAGASA at lokal na pamahalaan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









