
Mariing kinondena at tinawag na unconstitutional ng House Makabayan Bloc ang pagbabalik ng Senado sa Kamara ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kina Representatives France Castro, Arlene Brosas at Raoul Manuel ang hakbang ng Senado ay isang mapanganib na paglihis sa Konstitusyon at maaaring maging halimbawa para pahinain ang proseso ng impeachment na paraan ng pagpapanagot sa mga matataas na opisyal.
Paliwanag nina Castro, Brosas at Manuel, hindi pwedeng ibalik sa Kamara ang mga artikulo ng impeachment dahil tapos na ang papel dito ng Mababang Kapulungan at responsibilidad naman ng Senado na husgahan ang kaso.
Diin pa ng tatlong mambabatas, magpapaalab lang sa galit ng taumbayan ang naturang constitutional manuever ng Senado na isang tangkang pagmamanipula para maprotektahan ang mga nakaupo sa kapangyarihan na sangkot sa katiwalian.
Bunsod nito ay nananawagan ang Makabayan Bloc sa mamamayang Pilipino na sumama sa isang kilos protesta sa Senado ngayong araw.