
Cauayan City – Maayos, payapa, at masayang selebrasyon ng Bambanti Festival 2025 ang isa sa tinututukan ngayon ng kapulisan ng Isabela.
Ayon kay PCOL Lee Allen Bauding, Provincial Director ng Isabela PPO, handa ang kapulisan upang masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa festival kung saan mahigit 600 pulis mula sa PNP Isabela ang ide-deploy para magbantay sa mga aktibidad, magbigay ng seguridad sa mga VIP, at ayusin ang daloy ng trapiko.
Sa send-off ceremony, iprinisenta ang deployment plan, contingency measures, at mga hakbang para sa agarang aksyon sa oras ng pangangailangan na naglalayong tiyakin ang kahandaan ng mga personnel sa mga pangunahing venue at mataong lugar.
Kasabay nito, nagkaroon ng Coordinating Meeting sa Peace and Order sa IPPO Conference Hall, dinaluhan ng mga provincial staff, commanders, at iba pang lider ng kapulisan, upang tiyakin ang maayos na seguridad sa mga aktibidad.
Hinikayat din ng PNP Isabela ang mga residente at bisita na makipagtulungan sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad.