
CAUAYAN CITY – Sisimulan na ng Department of Agriculture ang pagbebenta ng well milled na bigas sa murang halaga kasunod nang pagdeklara ng food security emergency para sa bigas.
Ayon din sa Kagawaran, ang mga biniling stock ng bigas ay galing National Food Authority (NFA) kung saan ay ibenta ito sa halagang P33/kilo.
Sa press briefing na isinagawa, ipinahayag ni NFA acting Department Manager Roy Untiveros, ang naturang halaga ay para lamang sa mga local government units, government-owned and controlled corporations, at iba pang ahensiya ng gobyerno, habang ang magiging presyo naman ng naturang bigas sa publiko ay P35/kilo.
Ayon pa kay Untiveros, kinakailangang makapag-labas ng 150,000 metric tons o 150 million kilos ng well-milled rice stocks ang NFA sa susunod na anim na buwan.
Samantala, patuloy naman ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan para sa pagsisimula ng rice allocation.