
Iminungkahi ni House Committee on Higher and Technical Education Chairman at Tingog Party-list Representative Jude Acidre na pagkalooban ng Kongreso ng “emergency powers” si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., para maresolba ang “classroom crisis” sa Pilipinas.
Paliwanag ni Acidre, sa pamamagitan ng emergency powers ay mapapabilis ng Pangulo ang konstruksyon ng mga silid-aralan sa pamamagitan ng pagpapadali sa proseso ng procurement, pagtanggal sa red tape, at pagsasagawa direktang mobilisasyon ng resources.
Tinukoy ni Acidre ang datos ng Department of Education (DepEd) na umaabot sa 165,000 kulang na mga classrooms pero hanggang 4,869 lang ang mga bagong silid-aralan na nakatakdang itayo sa 2026 at posibleng abutin ng 55 taon bago makumpleto ang dapat itayo na mga silid-aralan sa buong bansa.
Binanggit din ni Acidre na base sa pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), ang classroom shortage ay nakaka-apekto sa access at kalidad ng edukasyon.









