Pagdeklara ng public health emergency dahil sa tumataas na kaso ng HIV, hindi kailangan

Para kay House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na hindi kailangang magdeklara ng public health emergency dahil sa tumataas na kaso ng human immunodeficiency virus o HIV sa bansa.

Giit ni Garin, na dating Health secretary, ang dapat gawin ng gobyerno ay gawing available at accessible sa lahat ang gamot sa HIV.

Paliwanag ni Garin, ang naitatalang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng HIV ay dahil marami sa mga tinatamaan nito ang nasusuri na ngayon kaya naire-report kumpara noon.

Mungkahi ni Garin sa pamahalaan, palakasin ang HIV awareness para maawat ang pagkalat ng bagong infections, maprotektahan ang bawat isa, at maalis ang stigma o paghusga at diskriminasyon sa mga tinatamaan ng naturang sakit.

Diin ni Garin, pakikiramay, edukasyon, at tamang gamutan o pangangalaga at hindi takot ang epektibong paraan para maproteksyunan ang mamamayan at mga komunidad laban sa HIV.

Facebook Comments