Pagdinig sa mga anomalya sa PhilHealth, tinapos na ng Kamara; iba pang isyu, naungkat

70

Tinapos na ngayong araw ng House Committee on Public Accounts at Committee on Good Government and Public Accountability ang pagdinig nito sa mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Pero bago tuluyang i-terminate, ibinulgar ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers ang isang panibagong issue.


Ayon kay Barbers, mayroong board resolution na inilabas ang PhilHealth para bayaran ang mga denied claims ng mga healthcare institutions mula 2011 hanggang 2019.

Aabot aniya ito sa ₱4 billion sa kabuuan at ₱600 million naman ang nakatakdang ibayad ng PhilHealth base sa resolusyon.

Pinatotohanan naman ito ni PhilHealth Corporate Secretary Atty. Jonathan Mangaoang kung saan dalawang buwan na ang nakakaraan nang aprubahan ang naturang board resolution at pinapipirmahan na sa mga miyembro.

Bunsod nito ay agad na pinasusumite ng Kamara sa PhilHealth ang naturang board resolution at umaasang mabigyan ng abiso ang bagong talagang PhilHealth President and CEO na si Atty. Dante Gierran tungkol dito.




Nakatakda namang tapusin sa susunod na linggo ang committee report kaugnay sa kanilang imbestigasyon sa mga katiwalian sa PhilHealth.

Facebook Comments