
Nananawagan si Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pakilusin ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) para suportahan ang kapulisan sa pagtugis sa mga kidnapping syndicates.
Ayon kay Pimentel, bukod sa ISAFP, ay maaari ring utusan ni PBBM ang intelligence units ng Army, Air Force at Navy para tulungan ang Philippine National Police (PNP) sa paglaban sa kidnapping groups na banta sa kaligtasan ng publiko at pambansang seguridad.
Paliwanag ni Pimentel, nakasaad sa 1987 Constitution na bilang commander-in-chief ay taglay ng pangulo ng bansa ang malawak na kapangyarihan para ipag-utos ang pagkasa ng military operations, kasama ang intelligence activities na para sa internal security at public order.
Mungkahi ito ni Pimentel kasunod ng pagdukot at brutal na pagpatay sa Filipino-Chinese steel executive na si Anson Que at sa kaniyang driver na si Armanie Pabillo.