
Cauayan City – Sinimulan na ng DA-PhilRice Isabela ang paghahanda ng mga seedling tray para sa mekanisadong pagtatanim ng mga hybrid parental lines ng palay, partikular ang P at B lines.
Bahagi ito ng trial para sa makabagong pamamaraan sa produksyon ng binhi ng palay, na layuning gawing mas episyente at moderno ang sistema.
Nauna nang inaprubahan ng Bureau of Plant Industry ang paggamit ng mechanical transplanters para sa produksyon ng inbred rice seeds, at ngayon ay isinasagawa ang mga hakbang upang maisama na rin dito ang hybrid rice production.
Ayon sa PhilRice, ang paggamit ng makinarya ay makatutulong sa pagpapababa ng gastos sa paggawa, pagpapabilis ng pagtatanim, at pagpapaunlad ng kalidad ng mga punla.
May tinatayang 20% na mas mataas na ani ang mga hybrid varieties kumpara sa mga inbred, dahilan kung bakit patuloy itong isinusulong sa mga rehiyon gaya ng Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa hakbang na ito, pinapatatag ng PhilRice Isabela ang pundasyon para sa mas masaganang ani at mas matatag na agrikultura.